Dahil sa natuklasang maraming paglabag: Prangkisa ng Valisno, namumurong makansela

Halos kalahating bahagi ng Valisno bus ang nawakwak matapos na sumalpok sa isang konkretong poste sa boundary ng QC at Caloocan kahapon ng umaga. Michael Varcas

MANILA, Philippines - Nanganganib na kanselahin nang tuluyan ng Land Trans­­portation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng Valisno Express bus dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas at patakaran ng ahensiya.

Ito ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez ay dahil hindi nakarehistro ang bus unit (TXV 715) na nasangkot sa malagim na aksidente sa Quezon City noong nagdaang araw kung saan apat katao ang nasawi at 18 iba pa ang nasugatan.

Bukod pa rito, nagpositibo sa drug test ang driver nilang   si George Pacis.

Ayon pa sa LTFRB, napag-alaman nilang hindi rin anya nagpapasahod ng tama sa kanilang driver ang kompanya ng Valisno kayat nagagawang magpaharurot ng sasakyan para makarami ng pasahero.

 Kaugnay  nito, inutos na ni Ginez na isailalim sa random drug testing ang lahat ng driver at konduktor  ng Valisno.

Ani Ginez, oobligahing muli ng ahensiya ang lahat ng bus companies na maglagay ng Global Positioning System (GPS) para makaiwas ang mga driver sa pagharurot at mamo-monitor ng ahensiya ang bilis ng takbo at lokasyon ng bus para maparusahan kapag nagkasala dito.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng Land Transportation Office (LTO) na ibalik ang pagsasailalim sa drug test sa lahat ng mga driver bilang rekisitos sa pagkuha ng drivers license upang maiwasan ang mga napasadang driver na lango sa droga tulad ng driver ng Valisno express bus na naaksidente.

Kaugnay nito, pormal nang kinasuhan kahapon ng Quezon City Police  ang driver ng bus na nagmaneho ng isang unit ng Valisno bus.

Kasong reckless imprudence resulting in damage to pro­perty at multiple homicide at physical injury  ang isinampa ng pulisya laban sa driver ng naturang bus na si George Pacis.

 Malamang umanong madagdagan pa ang kaso ni Pacis makaraang magpositibo ito sa drug test na isinagawa sa kanya ng mga awtoridad.

Kalahating milyong piso naman ang inaasahang piyansa ni Pacis upang pansamantala itong makalaya sa kulungan kaugnay ng naturang mga kaso. Si Pacis ay nakakulong sa detention cell ng QC police Traffic sector 2 sa QC.

 

Show comments