MANILA, Philippines – Binalot ng matinding takot ang isang drug store at kalapit na mga establisimento nito matapos iabot ang isang pampasabog sa isang pharmacy assistant ng hindi kilalang lalaki, kahapon ng hapon sa Muntinlupa City.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis laban sa suspek at inaalam na ang pagkakakilanlan nito.
Ayon kay Senior Supt Allan Nobleza, hepe ng Pasay City Police, alas-2:00 ng hapon, habang nakatayo ang pharmacy assistant na si Grace Kuneha sa pinagtatrabahuhan nitong Medi-Pharmacy na magtatapuan sa Alabang-Zapote Road, malapit sa Alabang Public Market, Barangay Alabang ng naturang lungsod nang iabot dito ng isang hindi kilalang lalaki na may taas na nasa 5’4’’, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at shorts na jersey ang isang paper bag, na ang laman ay isang kahon ng iPhone cellphone.
Ayaw naman aniya itong tanggapin ni Kuneha, dahil hindi nito kilala ang lalaki subalit, iniwan ng suspek ang naturang paper bag sa lamesa ng Medi-Pharmacy na pag-aari ng isang Jane Lim. Ang paper bag na iniwan ay naglalaman ng M2K hand grenade na nagdulot ng matinding takot sa mga kawani at kostumer sa naturang drug store, maging sa kalapit na fast food chain (KFC) at sa Alabang Public Market.
Kung saan kanya-kanyang nagtakbuhan ang mga tao sa naturang lugar. Kaagad na rumesponde ang mga kagawad ng SWAT Team at Bomb Squad ng Muntinlupa City Police.
Ginamitan ng mga pulis ng bomb blanket ang naturang paper bag at hinila ito patungo sa bakanteng lote ng Filivest at dito nadiskubre kung saan nga nakuha ang MK2 hand grenade na mabuti na lamang aniya ay sarado pa ang pin nito, kung kaya’t naiwasan ang posibleng pagsabog nito.
Nabatid pa kay Kuneha, nitong nakalipas ng dalawang buwan ay madalas makatanggap ng pagbabanta ang kanilang drug store mula sa hindi kilalang mga caller, patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente.