MANILA, Philippines – Sampung katao na hinihinalang sangkot sa pagbebenta at paggamit ng iligal na droga ang nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Group (QCPD-AISOTG) sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni QCPD Director Police Chief Superintendent Edgardo Gonzales Tinio, ang mga suspect na sina Jamel Ismael, 29; Romnick Riga, 22; Mujib Abdulhamid, 21; Susan Gamboa, 42; Adelfa Valmocina, 48; Maria Anna Gonzales, 38; Wenceslao Retanal, 54; Vitaliano Ritardo, 48; Dante Colina, 38; at Jay Anthony Narra, 26; pawang mga residente sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ayon kay Tinio, ang mga suspect ay nadakip ng mga operatiba ng DAID-SOTG sa pangunguna ng bagong hepe nitong si P/Chief Insp. Enrico Figueroa matapos makumpirma ang malawakang operasyon ng iligal na droga sa dalawang barangay, ang Brgys. Sta Teresita at Holy Spirit sa lungsod.
Sabi ng opisyal, unang nadakip sina Ismael, Riga, at Abdulhamid, matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Kanlaon St., malapit sa kanto ng Quezon ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Nasamsam sa tatlo ang limang piraso ng plastic bags na naglalaman ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.5 milyon, gayundin ang marked money.
Samantala, ganap na alas- 6:30 ng umaga naman nang maaresto ang natitirang pito pang suspect sa ginawang anti-drug operation ng DAIDSOTG sa isang bahay na ginagawang drug den, partikular sa no. 128 Area 3, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Sabi ni Tinio, isinagawa ang pagsalakay sa nasabing bahay matapos na makatanggap sila ng impormasyon buhat sa isang concerned citizen hinggil sa iligal na aktibidad na nagaganap dito.