Inabangan sa simbahan trader, todas sa gun-for-hire

MANILA, Philippines - Dalawang bala sa ulo ang naging dahilan ng pagkasawi ng isang negos­yante nang tambangan ng isang hinihinalang gun-for-hire matapos magsimba sa Malate Church, sa Malate, Maynila, kama­kalawa ng gabi.

Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Nora Eubanas, 71, residente ng #1827 Taft Ave., Malate, Maynila habang sugatan naman ang  apo nito na si  Mikhael Eubanas­, 22, makaraang tamaan ng basag na salamin ng minamanehong Ford Lynx (XDN-719). 

Sa ulat ni SPO2 Jona­than Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng gabi nang maganap ang pananambang sa harapan ng Malate Church na nasa M.H. Del Pilar, Malate.

Nabatid na bukod sa nag-drive na si Mikhael, kasama rin ng biktima ang kapatid niyang si Adella Euchanico.

Sa imbestigasyon, kala­labas lamang ng simbahan ng biktimang si Nora at papasakay sana ng kanyang kotse nang may biglang lumapit na lalaki at pinaputukan ng dalawang ulit ang biktima bago nag­lakad lamang papalayo ang gunman.

Lumalabas na si Nora lamang ang target  ng suspek dahil si Adella at ang apo ay hindi naman binaril  ng suspek. Naniniwala si Bautista na malalim ang motibo sa krimen at maaring may alam ang pamilya ng biktima sa motibo ng pamamaslang.

 

Show comments