MANILA, Philippines - Isinulong kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ‘Adopt-A-Footbridge Program’ upang pagandahin at gawing moderno at mas ligtas ang pagtawid sa mga footbridges sa Metro Manila.
Katuwang ang pribadong sektor, pinasinayaan kahapon ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang Techno Hub footbridge sa Commonwealth Avenue, bilang simula ng partnership sa pribadong sektor para sa naturang proyekto.
Sinabi ni Tolentino na hindi na ligtas tawiran ang ilang footbridges dahil bukod sa mga illegal vendors, maraming nakatambay dito na snatcher at holdaper. Sa pamamagitan aniya ng proyekto, ligtas at mapapaganda na ito dahil mayroong nakatutok na guwardya na 24/7 ang magiging duty nito, bukod pa sa CCTV na naka-link sa MMDA Metrobase.
Lalagyan na rin ng bubong at comfort room ang nabanggit na mga footbridge.
Inaasahan pa umano ang pagpapasinaya na marami pang footbridges para maging bahagi na rin ng naturang proyekto.