Most wanted laglag sa NPD

MANILA, Philippines – Nagtapos ang maliligayang araw ng isang lalaki na tinaguriang “number 4 most wanted” ng Northern Police District (NPD) matapos itong madakip ng pulisya sa Valenzuela City kahapon.

Kinilala ni NPD Officer-In-Charge (OIC),  Police Sr. Supt. Job Flores Marasigan ang akusadong si Rommel Posadas “alyas Romy”, nasa hustong gulang, residente ng A. De Castro St., Barangay Malinta nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tip sa kanilang impormante na namataan ang suspek sa Novaliches, Quezon City, subalit  ng kanilang puntahan ay hindi na nila ito naabutan.

Alas-4:05 ng madaling araw ay muling nakita ang akusado sa kahabaan ng Bagbaguin Road, Valenzuela City kaya agad na pinuntahan ito ng mga pulis at nadakip.

May warrant of arrest laban sa suspek na inisyu ni Judge Socorro Almazan-Vista, ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 81, Valenzuela City dahil sa kasong Attempted Homicide.

Base sa rekord ng NPD, ang akusado ay sangkot umano sa mga iligal na gawain sa Camanava area.

Show comments