MANILA, Philippines – Kasado na ang lahat para sa gagawing simultaneous earthquake drill sa buong Metro Manila ngayong araw.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, aabot sa anim na milyon ang inaasahang lalahok sa drill na magsisimula ng alas-10:30 ng umaga hanggang alas-11:30 ng umaga.
Magsisimula ang drill sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga simbahan sa Metro Manila ng kanilang mga kampana habang ang mga truck ng bumbero ay patutunugin naman ang kanilang serena.
Bukod dito, patutunugin din ng iba’t-ibang gusali ang kanilang fire alarms at magkakaroon rin ng text blast ang National Telecommuncaiton Commission (NTC) para abisuhin ang publiko na magsisimula na earthquake drill.
Samantala, nasa isang milyon na ang bilang nang nagnanais na maging volunteer rescue workers ng MMDA upang umagapay sakaling tamaan ng malakas lindol ang Metro Manila.
Ayon pa kay Tolentino, hanggang kahapon ay umaabot na umano sa isang milyong indibidwal ang nagnanais na maging rescue volunteer na isang malinaw na senyales na namulat na umano ang publiko ukol sa kahalagahan ng paghahanda sa mga kalamidad.
Mula aniya sa 8,000 ay tumaas na ito sa isang milyon.