6 na kawatang tandem, tiklo
MANILA, Philippines – Nasawata ang posibleng isang malaking krimen na binabalak ng isang grupo ng riding-in-tandem makaraang madakip ang anim na suspek sa ikinasang operasyon ng pulisya, kamakalawa ng madaling-araw sa Navotas City.
Kinilala ni Northern Police District Director, Chief Supt. Jonathan Miano ang mga nadakip na sina Marlon del Rosario, 29; Ryan Durado, 28; Anthony Aceboque, 20, Ben Oliva, 27; Alfonso Aceboque, 24; at Romeo David, 19, pawang mga tubong Masbate at naninirahan sa Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), ng naturang lungsod.
Nakumpiska buhat kay Del Rosario ang isang kalibre .45 baril, isang bread knife buhat kay Oliva, tatlong Bajaj Kawasaki motorcycle at mga mamahaling uri ng cellular phones.
Sa ulat ng pulisya, nakatanggap umano ng utos buhat sa isang opisyal sa Kampo Crame ang Navotas City Police upang magsagawa ng operasyon laban sa kahina-hinalang lalaking nakamotorsiklo na paligid-ligid sa Brgy. NBBS.
Agad na nagsagawa ng ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 dakong alas-12:30 ng madaling araw at nasakote ang anim na suspek na magkakaangas sa tatlong motorsiklo sa may kanto ng Bangus St. at Phase 1-C, sa naturang barangay.
Naging kahina-hinala ang alibi ng mga suspek na nagsabing pawang mga obrero lamang sila dahil sa mamahaling uri ng kanilang mga cellular phones.
Nang inspeksyunin ang mga mensahe, nabatid na nagpaplano ang mga suspek ng isang krimen sa hindi mabatid na lugar sa lungsod.
- Latest