MANILA, Philippines – Matapos ang kalahating buwan na pagtatago at paghahanap naman ng mga awtoridad ay nahuli na rin kahapon ang isang houseboy na sinasabing responsable sa tangkang panggagahasa at brutal na pagpatay sa kanyang among dalaga sa San Juan City, kamakailan.
Kinilala ni Senior Supt. Ariel Arcinas, hepe ng San Juan police ang suspek na si Anacleto Brezuela Jr, 39, tubong-Magallanes St., Brgy Aquino, Bulan Sorsogon.
Nadakip si Brezuela sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng San Juan police dakong alas-10:45 ng umaga sa bahay ng kanyang live-in partner sa Tinambak, Camarines Sur.
Ayon kay Arcinas, si Brezuela ay siyang natukoy nilang responsable sa brutal na pagpatay at tangkang panghahalay sa biktimang si Robin Jacque Ong, 23, na natagpuang wala nang buhay at walang saplot na pang-ibaba sa katawan sa loob ng kanyang kuwarto sa J. Right St. corner Rita St. Brgy. Batis, San Juan City noong Marso 15, 2015 ng alas-7:45 ng umaga.
Natukoy ng pulisya na si Brezuela ang siyang may kagagawan ng krimen matapos na makita sa CCTV na siya ang huling lumabas ng tahanan ng pamilyang Ong, bago matagpuan ang bangkay ng biktima.
Natukoy din sa imbestigasyon na nanlaban ang biktima sa suspek noong tangkain siyang halayin matapos na pasukin sa kanyang kuwarto.
Nakakulong ngayon si Brezuela sa San Juan Police detention cell habang inihahanda na ang kasong attempted rape with homicide laban sa kanya.
Sinasabing si Brezuela ay most wanted criminal sa Camarines Sur at number 4 naman sa Sorsogon dahil din sa kahalintulad na kaso.