Giit sa mga magbibiyahe colorum vehicles huwag sakyan – LTFRB
MANILA, Philippines – Hiniling ng pamunuan ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa publiko na uuwi sa kanilang lalawigan ngayong Semana Santa na huwag tangkilikin o sakyan ang mga kolorum na sasakyan.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Gines, round-the-clock na umiikot ang kanyang mga tauhan sa iba’t ibang bus terminal para masuri at matiyak na may sapat na permit o prangkisa ang mga pampasaherong sasakyan at hindi kolorum para matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.
Kaugnay nito, binalaan ni Gines ang mga mangongolorum ngayong Semana Santa na kapag sila ay nahuli ay may karampatang multa. Kabilang dito ang P1 milyon sa kolorum bus, P120,000 sa kolorum na SUV, P60,000 sa kolorum na jeep.
Kahapon, iniulat din ng LTFRB na fully book na ang mga bus sa Araneta Center sa Cubao terminal na papasada sa mga probinsiya bunga ng patuloy na dagsa ng mga pasahero.
Todo-higpit naman ang ipinatutupad na seguridad ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa paligid ng bus terminal para magbantay at umalalay sa mga pasahero.
- Latest