Bebot utas sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang dalaga makaraang barilin ng isa sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo habang nag­lalakad sa kahabaan ng Quirino Highway sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PO3 Jaime de Jesus, may-hawak ng kaso, ang biktima ay nakilalang si Angela Aguas, 30, ng St Louis compound 7, Pascual St., Bgy. Baesa sa lungsod.

Patuloy naman ang follow-up investigation ng otoridad upang matukoy ang mga suspect na agad na nagsitakas matapos ang krimen.

Nangyari ang insidente sa may  kahabaan ng Quirino highway kanto ng Argao st., ng naturang barangay, ganap na alas 11:45 ng gabi.

Naglalakad umano ang biktima kasama ang mga testigong sina Doña Salvo at Michael Christopher Mendoza papauwi sa nasabing lugar nang biglang sumulpot mula sa likuran nila ang isang lalaki.

Dito ay biglang nagbunot ng baril ang lalaki saka pinaputukan ang biktima sa ulo.

Samantala, sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang kamay na naglagos sa kaliwang braso hanggang sa kanyang kaliwang dibdib. Mayroon din itong galos sa kaliwang braso at bibig.

Inaalam pa ng otoridad ang motibo ng pamamaslang sa nasabing biktima habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

 

Show comments