Barangay, homeowners vs krimen
MANILA, Philippines - Nanawagan si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa mga opisyales ng barangay at mga homeowner’s association sa lungsod na magkaisa sa paglaban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad.
Ang panawagan ay ginawa ni Malapitan sa pagdalo sa naganap na oath-taking ng mga bagong opisyal ng Sunriser Village Homeowner’s Association (SVHA) sa Brgy. 167 Llano kamakalawa ng gabi. Sinabi ng alkalde na responsibilidad din ng mga opisyal ng barangay na panatilihin ang katahimikan ng lugar habang responsibilidad din ng mga homeowner’s association ang seguridad ng kanilang komunidad.
Importante umano na nag-uusap at nagkakaisa ang mga opisyal ng barangay hall at homeowner’s association upang makabuo ng mga programa para sa pagpapanatili ng katahimikan tulad ng pagbuo ng mga grupo na maaaring magpatrulya at magpalitan ng impormasyon sa datos ng bawat residente dahil sa ang mga ito ang nakakakilala sa bawat naninirahan sa kanilang lugar.
Sinabi ni Malapitan na inatasan na niya ang pamunuan ng Caloocan City Police para makipagkoordinasyon sa bawat barangay hall habang pinaiigting na rin ang patrulya makaraang makapagbigay ng dagdag na 21 patrol cars nitong Enero na hinati sa Caloocan South at North.
Nangako rin naman ang alkalde sa patuloy na pagpapailaw sa mga madidilim na kalsada kabilang na ang loob ng Sunriser Village na binisita nito. Reklamo ng mga residente sa alkalde ang nagaganap na holdapan at nakawan sa loob ng subdibisyon dahil sa madidilim na bahagi at kawalan ng patrulya ng mga tanod.
Bukod dito, hinikayat ni Malapitan ang mga homeowner’s association na iparehistro ang mga senior citizens sa Office of the Senior Citizen Affairs office upang makatanggap ng mga pribiliheyo tulad ng regalong groseri tuwing kaarawan at cash gift kapag Pasko. Hinikayat din ni Malapitan na pag-aralin ang mga anak na magkokolehiyo sa University of Caloocan City na nagbibigay na ng 100% scholarship ngayong taon.
- Latest