MANILA, Philippines - Tinupok ng apoy ang ikalawang palapag ng University of the East Ramon Magsaysay (UERM) kung saan tinatayang aabot sa P150,000 halaga ng kagamitan ang napinsala kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng nasabing gusali, ganap na alas 3:34 ng madaling araw sa may Aurora Blvd., Bgy. Dona Imelda sa lungsod.
Lumilitaw na nag-overheat ang aircondition hanggang sa sumiklab ang apoy sa kuwarto ng Administrative building.
Umakyat sa ika-apat na alarma ang sunog ganap na alas 4:40 ng madaling araw. Wala namang iniulat na nasaktan sa naturang sunog.