MANILA, Philippines – Suspendido rin ang mga biyahe ng Metro Rail Transit (MRT-3) sa Mahal na Araw.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) spokesman Atty. Hernando Cabrera, ang operasyon ng MRT-3 ay suspendido mula Abril 2 (Huwebes Santo) hanggang Abril 5 (Linggo ng Pagkabuhay).
Maaga ring titigil ang operasyon ng MRT-3 sa Abril 1 (Miyerkules Santo).
Ayon kay Cabrera, ang huling biyahe ng MRT-3 sa North Avenue Station sa Miyerkules Santo ay alas-7:40 lamang ng gabi habang ang last trip naman sa Taft Avenue station ay alas-8:20 ng gabi.
Layunin ng suspensyon ng biyahe ng MRT-3 na bigyang-daan ang maintenance ng mga tren at riles upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Una nang nag-anunsyo ang LRT line 1 at 2 na magsususpinde ng biyahe mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
Maaga rin ang huling biyahe nila sa Miyerkules Santo na alas-8:00 lamang ng gabi sa magkabilang linya.
Magbabalik ang regular na operasyon ng MRT-3, at LRT-1 at 2 sa Abril 6, Lunes.
Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Baclaran, Pasay City at Roosevelt, Quezon City, habang ang LRT-2 ang nagkokonekta sa Recto sa Manila at Santolan sa Pasig City.
Samantala ang MRT-3 naman ay bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA, mula sa Taft Avenue sa Pasay City hanggang North Avenue sa Quezon City.