MANILA, Philippines - Sa halip na itapon at makadagdag sa tambak na basura ang mga used styro ay pinakokolekta ngayon ng pamahalaang lungsod ng Marikina upang gawin ‘paving blocks’ na pangharang sa baha.
Sinabi ni Marikina City Mayor Del De Guzman, may malaking pakinabang ang mga gamit na styro lalo pa’t maraming barangay sa lungsod ang palagiang lumulubog sa baha.
Ayon sa Alkalde, maaari ring taniman ng iba’t ibang uri ng gulay ang mga used styro na pwedeng pakinabangan ng kanilang mga mamamayan.
Pinagmalaki pa ng Alkalde ang proyekto ng City Environmental Management Office (CEMO) na paggamit ng styropor bilang recycle materials ay malaking tulong upang makabawas sa araw-araw na kinukolektang basura, makakapigil pa sa baha at iba pang kapakinabangan.
Ang proyekto na tinaguriang “From Waste to Landscape” ay alinsunod sa Republic Act 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000” na naglalayong mabawasan ang basurang itinatapon sa sanitary landfill.
Regular na kinukolekta ng CEMO ang mga basura gaya ng mga used styropor at mga gawa sa plastic tulad ng sando bags, at iba pa sa pamamagitan ng Material Recovery Facility nito.
Kinukolekta rin nila ang mga used cooking oil mula sa mga bahay, karinderya at mga fast food restaurants.
Ang mga nakolektang styropor at mga plastic ay gigilingin saka lulusawin gamit ang mga nakulektang used oil sa Styro/Plastic Densifier machine.
Nabatid na ang 20 kilo ng used styropor at 10 kilos ng used cooking oil ay makagagawa ng 21 paving blocks at dalawang flower pots, ang ilan pang maaaring gawin mula sa nilusaw na mga plastic at styro ay table tops, school chair, bricks, boards, synthetic timber plank at maraming iba pa.
Kaugnay nito ay hinikayat ni Mayor Del ang mga residente sa Marikina na suportahan ang pagri-recycle ng styropor at iba pang materyal sa lungsod.