MANILA, Philippines – Pormal nang sinampahan ng kaso kahapon sa Pasay City Prosecutor’s Office ang aktres na si Melissa Mendez matapos umano nitong suntukin ang isang negosyante habang nakasakay sila sa eroplano noong Biyernes ng umaga (Marso 20).
Si Mendez ay sinampahan ng kasong Slander by Deed defined and penalized under Article 359 of the Revised Penal Code. Ang complainant naman nito ay nakilalang si Rey N. Pamaran.
Base sa anim na pahinang complaint affidavit na isinumite ni Pamaran kay Senior Deputy Prosecutor Dolores Rellera, ng Pasay City Prosecutor’s Office, noong Marso 20, 2015, alas-6:40 ng umaga, habang siya ay nasa NAIA, Terminal III, patungo ng Pagadian City at kasama ang kaibigan at modelong si Andrew Wolf.
Nabatid na inokupahan ni Mendez ang nakalaang upuan ni Pamaran na rito na nga nagsimula ang mga pagtatalo dahil ayaw umanong umalis ni Mendez sa upuan.
Sabay na nagsalita ng maaanghang na kataga si Mendez at sinabihan nito si Pamaran na “hindi mo ba ako kilala” sumagot naman ito na hindi niya kilala ang aktres.
Ang pagtatalo ng dalawa ay nauwi sa panununtok ni Mendez kay Pamaran samantalang si Wolf ay umaawat naman sa mga ito.
Dahil sa komosyon ay kinailangan ng eroplano na bumalik ng NAIA para lumapag at ibaba sa eroplano si Mendez.
Nabatid na humingi naman ng paumanhin ang actress sa kanyang ginawa subalit kinakitaan ito ni Pamaran na hindi sinsero kaya itinuloy niya ang kaso.