Kelot itinumba habang nagbibisikleta

MANILA, Philippines – Utas ang isang 39-anyos na lalaki matapos harangin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek na riding-in-tandem habang nag­bi­bisikleta ang biktima sa Ma­labon City, kamakalawa ng gabi.

Hindi na nakarating ng buhay nang dalhin sa Pagamutang Bayan ng Malabon sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa ulo ang biktimang si Jay de Guzman, 33, ng Jacinto St., Bgy. Concepcion, Malabon.

Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya laban sa mga suspek at ina­alam pa ang pagkakakilanlan sa mga ito.

Base sa imbestigasyon ni PO3 Jun Belbes, ng Malabon City Police, naganap ang insidente alas-10:45 ng gabi, malapit sa tinitirhan ng biktima sa naturang lugar.

Lumabas ng kanilang bahay ang biktima at habang sakay ito ng kanyang bisikleta ay hinarang ng isang motorsiklo na sakay ang mga suspek at isa sa mga ito ang agad naglabas ng baril at walang sabi-sabing pinagbabaril si de Guzman.

Show comments