MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang riding-in-tandem na diumano’y mga suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang dating pulis sa Tondo, Maynila, noong nakalipas na Marso 17.
Nakapiit na ang mga suspek na kinilala ng hepe ng MPD-Station 2 chief, P/Supt. Jackson Tuliao na sina Jerwin Monteroso, 40, pedicab driver at Lawrence Patricio, 40. Sila ay kapwa niyembro ng Sigue-sigue Commando gang.
Narekober mula sa mga suspek ang isang Smith and Wesson .38 caliber na kargado ng 6 na bala, isang plastic sachet ng shabu, isang .22 caliber snub nose na may 6 na bala at isang hand grenade.
Sa ulat, dakong alas-11:50 ng gabi kamakalawa nang madakip ang mga suspek ng mga tauhan ni Tuliao sa pangunguna ni C/Insp. John Guiagui nang mamataan silang magka-angkas sa motorsiklo sa panulukan ng Lakandula at Kagitingan Sts. sa isinagawang follow-up operation kaugnay sa pagpatay kay PO1 Dennis Biescas sa Muelle dela Industria na binaril sa ulo dakong alas-5:30 ng hapon noong Marso 17.
Nang lalapitan ng mga awtoridad ay nakahalata umano ang dalawa at nagtangkang tumakas na nauwi sa maikling habulan hanggang sa bumaba sa motorsiklo at humawak ng granada at tanggalin ang pin.
Itinawag ito sa MPD-Explosive and Ordnance Division at nakuha naman nang maayos sa suspek na si Monteroso.
Dinala ang dalawa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center dahil sa mga tinamong pasa sa kanilang pagtakas.