MANILA, Philippines – Simula sa Sabado ay isasara na sa motorista ang Ayala Bridge kaugnay sa gagawing pagpapatibay ng tulay laban sa lindol at dadagdagan ang kapasidad nito sa 15 tonelada mula sa kasalukuyang limang tonelada lamang.
Itinakda ang full closure ng tulay ngayong Marso 21 hanggang sa Abril 20 na susundan ng partial closure mula April 21 hanggang sa Hulyo 20. Simula Abril 21 hanggang Hunyo 14, ay eastside ang hindi padadaanan sa mga motorista habang ang westside naman ang isasara simula Hunyo 15 hanggang sa Hulyo 20.
Ayon kay Public Works and Highways Undersecretary Raul Asis, kailangan ng rehabilitasyon ng tulay na nasa kritikal nang kondisyon dahil sa mga sira.
Target mabuksan ng DPWH ang Ayala Bridge sa Hulyo 23.
Kabilang sa mga maaapektuhan ang ilang pangunahing kalsada sa Maynila kabilang ang Quezon Boulevard, United Nations Avenue, Taft Avenue, Legarda, Quirino, Recto, Magsaysay at Roxas Boulevard.
Isasara rin ang daanan sa ilalim ng tulay sa katapusan ng Abril para iangat ito ng higit sa dalawang talampakan.
Naglabas naman ng traffic rerouting scheme ang DPWH para sa mga motoristang maaapektuhan.
Kung galing ng Legarda, kumanan sa Recto Avenue diretso hanggang M. Roxas Street at dumaan sa Jones Bridge papuntang Roxas Boulevard.
Kung manggagaling ng Taft Avenue, dumaan sa MacArthur Bridge at kumanan sa Palanca at kumaliwa sa Casal Street para malagpasan ang Ayala Bridge. Maaari ring dumaan sa Quezon Bridge, kumanan ng Recto at kumaliwa sa Legarda Street.