MANILA, Philippines – Inaresto ang isang Australian national matapos nitong gulpihin ang isang bakla nang malamang hindi pala ito tunay na babae, kahapon sa Makati City.
Nasa custody ngayon ng Makati City Police detention cell ang suspek na si Robert Maccann, 47, isang consultant, pansamantalang nanuluyan sa S. Joza Loft Tower, Rockwell, Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.
Bugbog-sarado naman ang biktimang si Jayson Cruz, 23, ng Delas Alas St., Pasay City. Sa report na natanggap ni Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police, base sa pahayag ng biktimang si Cruz, naganap ang insidente alas-7:00 ng umaga sa tinutuluyang condo unit ng suspect.
Bago naganap ang panggugulpi, ayon sa biktima, nakilala niya ang dayuhan sa may Royal Bellagio, P. Burgos St., at inimbitahan siya nito sa condominium nito para magpamasahe.
Pinaunlakan naman ng biktima ang paanyaya sa kanya ng suspek at nang nasa kuwarto na ito ng dayuhan ay dito na niya ipinagtapat na hindi siya tunay na babae at isa siyang bakla.
Nagalit ang suspek, kung kaya’t sinakal muna nito bago pinaggugulpi ang biktima. Kahit bugbog- sarado ang biktima ay nagawa nitong makalabas ng kuwarto ng suspek at nakahingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta ng pagkakaaresto sa dayuhan.