Lola, ninakawan, pinatay

MANILA, Philippines – Isang 74-taong gulang na lola ang ninakawan at saka pinatay ng isang construction worker na nanloob sa tahanan ng biktima sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Basag ang ulo at wala ng buhay nang matagpuan sa loob ng kanyang tahanan ang biktimang si Carolina Santiago, nakatira sa 175 M.A. Roxas St., Bgy. Calumpang sa lungsod.

Sa imbestigasyon nina SPO1 Buenarez Cruz Jr., at PO3 Ricky Cortez, nabatid na dakong alas-6:30 ng gabi nang matagpuan ang biktima ng kanyang mister na si Renato Santiago, 77.

Ayon kay lolo Renato,  pumunta siya sa kanilang kamag-anak sa Pasig City kamakalawa ng umaga at iniwan niya ang kanyang asawa na natutulog ito sa loob ng kanilang kuwarto.

Subalit sa kanyang pagbalik sa kanilang bahay ay dinatnan na niyang wala nang buhay ang asawa na pinatay sa palo ng matigas na bagay sa kanyang ulo saka binigti, gamit ang telang katsa.

Nadiskubre rin ni lolo Renato  na nawawala ang P12,000 cash nilang mag-asawa na nakalagay sa ilalim ng kanilang mga damit.

Kaugnay nito, isa namang construction worker na kinilalang si Renato Toburcio, 45 ng 151 M.A Roxas St., ang inaresto ng mga awtoridad makaraang ituro ng isang Francisco Chua, 46, kapitbahay ng biktima na nakita niyang pumasok  sa bahay ng mag-asawang matanda.

Hindi na nakapalag pa ang suspek nang arestuhin nina PO1 Ronald Catapang, PO3 Arthur Fernandez at PO2 Jose Franciso Cabusao na ngayon ay nahaharap na sa kasong robbery with homicide.

Show comments