MANILA, Philippines - Inireklamo ng isang pulis-Maynila ang limang miyembro ng isang towing services na kumuyog sa kaniya dahil sa pag-alma niya kaugnay sa sapilitang pag-towing sa kanilang sasakyan at pilit umanong pinababa ang kaniyang ina na ipagagamot sa Manila Doctor’s Hospital, kamakalawa ng hapon.
Ayon sa salaysay ni SPO1 Jay Donato sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (GAIS) nakahimpil pansamantala ang sasakyan nilang Toyota Vios sa tapat ng Manila Doctor’s Hospital sakay ang kapatid niyang lalaki at ina na ipako-confine sa nasabing pagamutan nang lapitan ng RMW Towing Services.
Dakong alas-5:00 ng hapon ng maganap ang insidente nang pilit pinababa ang ina niya habang ang kaniyang kapatid ang pansamantalang nagmaneho dahil sumaglit siya sa kanyang unit sa MPD-Theft and Robbery Section.
Nang tawagan siya ng kapatid ay agad siyang pumunta at nakiusap sa limang personnel ng towing services subalit nagalit pa umano at nagsabing “Kay Isko ka magreklamo.”
Sa puntong iyon ay pinagtulungan umano siyang sapakin ng mga towing personnel at nang makita ng kapwa pulis ay rumesponde kaya nagsialisan ang mga suspek sakay ng towing truck.
Sa kasalukuyan ay kinikilala pa ni SPO1 Donato ang mga suspek, na ang isa ay nakilala sa alyas na “Wong”.
Nang makita ng kapwa pulis na sinasaktan si Donato ay sumaklolo ang mga ito pero mabilis na kumaripas ng takbo ang mga suspek at sumakay ng kanilang truck papalayo.