MANILA, Philippines - Sugatan ang driver ng isang pampasaherong bus makaraang salpukin nito ang isang konkretong poste matapos na mawalan ng preno sa kahabaan ng EDSA, Cubao, kahapon ng umaga.
Nakilala ang driver na si Alvin Pacunla, 21, binata na iniinda ang pananakit ng kanyang kaliwang braso. Masuwerte namang walang nasugatan sa mga sakay nitong pasahero.
Nangyari ang insidente, ganap na alas-11:15 ng umaga sa may loading area ng Farmers Plaza, Cubao sa lungsod.
Kuwento ni Pacunla, minamaneho niya ang Aerobus (TYS-143) nang pagsapit sa harap ng Araneta Center ay bumaba ang ilan niyang pasahero.
Nang makababa at paandarin niya umano ang bus, biglang nawalan siya ng preno hanggang sa magpasya siyang ibundol na lang ito sa poste na nakatayo sa harap ng Farmers Plaza.
“Wala na kong maisip, kasi kung ibabangga ko sa gilid ng bangketa marami akong mababanggang tao, kaya sa poste na lang,” sabi pa ni Pacunla.
Dahil dito, bumuwal ang poste at humarang sa dalawang linya ng kalye rito dahilan para magdulot ng matinding trapik sa mga motoristang bumibiyahe patungong Norte.
Sa kasalukuyan, inaalam pa ng mga awtoridad kung totoong ang kawalan ng preno ang ugat ng pagkakabangga ni Pacunla sa poste o kaya ay inaantok ito sa mahabang biyahe.