MANILA, Philippines - Arestado ang isang dating Army matapos na mahulihan ng mataas na kalibre ng armas na kanyang ibinebenta sa isinagawang entrapment operation sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District Director Police Chief Supt. Joel Pagdilao ang suspect na si Gerald Stephen Soriano, 46, ng Payatas A sa lungsod.
Sa ulat ng District Special Operation Unit, si Soriano ay dating Army na natanggal dahil sa kasong absent without leave o AWOL.
Ayon kay Pagdilao, nakumpiska sa suspect ang isang carbine M2 rifle na walang serial number, dalawang magazine ng M2 rifle na may 30 pirasong bala ng caliber 30 carbine cartridge.
Sa ulat ni PO1 Mark Benson Suralvo, imbestigador sa kaso, naganap ang pagdakip sa loob ng bahay ni Soriano ganap na alas-9:25 ng gabi.
Bago ito, nakipag-transaksyon ang mga operatiba ng DSOU sa suspect matapos na makatanggap ng impormasyon hinggil sa iligal na aktibidad nito.
Sinasabing isang pulis ang nagpanggap na buyer ng baril na nagkakahalaga ng P20,000 kung saan nagkasundo na magpalitan ng items sa nasabing bahay.
Nang i-abot ng suspect ang carbine M2 rifle sa poseur-buyer ng DSOU ay agad itong inaresto at dinala sa nasabing himpilan.