Kakambal naresbakan, utas

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang napagkamalan lamang ang isang 37- anyos na binata na pinagbabaril at napatay sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng tanghali.

Dead on the spot ang biktimang si Jake Mendoza, walang trabaho, ng Juan Luna St., Tondo sanhi ng tama ng bala ng kalibre 45 sa katawan.

Wala pang tukoy na suspek ang mga awtoridad sa krimen.

Sa ulat ni SP02 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -11:02 ng tanghali nang pasukin ang biktima sa loob ng kanilang bahay at pagbabarilin.

Nabatid na habang nagpapahinga ang biktima ay pumasok umano ang isa sa suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ito, habang isang lalaki na kasama nito ang nagsilbing look-out. Nang makatiyak na wala ng buhay ay saka lamang tumakas.

Nabatid na ang biktima ay bagong laya lamang kahapon mula sa pagkaka-aresto sa kasong pagsusugal.

Ang kakambal ng biktima  ay isa umanong police asset  na noong nakalipas na taon ay tinangka na ring patayin sa pamamagitan ng pamamaril dahil informer umano sa mga tulak ng iligal na droga. Maaa­ring ang kakambal nito ang talagang target ng mga salarin at napagkamalan lamang ito.

 Patuloy pang inaalam ang pagkilanlan ng mga suspek.

Show comments