Sumalubong sa Fire Prevention Month 7-storey commercial building sa QC, nasunog
MANILA, Philippines — Mahigit 13 oras na nasusunog ang pitong palapag na commercial building sa Brgy. Tatalon sa may Araneta Avenue, Quezon City kahapon.
Ayon kay QC Fire Marshall F/Senior Supt. Jesus Fernandez, dakong alas-12:30 ng madaling-araw kahapon nang bigla na lamang sumiklab ang apoy sa 2nd floor ng Gateway 2000 building na may mga nakaimbak na thinner at mga pintura.
Iniulat ng arson probers ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot ng ala-1:30 ng hapon kahapon ay nasa ika-pitong palapag na ang sunog na patuloy pang lumalakas at nasa Task Force Bravo pa rin ang alarma.
Ayon kay Fernandez, nahihirapan silang apulahin ang sunog dahil nakaimbak sa ikalawang palapag ng gusali ay mga flammable na mga kemikal na gamit sa paggawa ng manikin at mga damit kaya mahirap apulahin ang pagkalat ng apoy.
Kabilang din sa mga nakatambak ang mga auto supply sa ikatlong palapag, medical supplies sa ika-apat, at raw materials sa paggawa ng tsinelas tulad ng goma at plastic sa ika-lima at anim na palapag.
Ginagamit namang penthouse ang ika-pitong palapag ng gusaling pag-aari ng isang Jobert Go.
Anila, kinailangan pang maghalo ng kemikal na aqueous film forming foams (AFFF) sa tubig para mapababa ang temperatura ng gusali at patuloy na subukang mapatay ang apoy.
Nakapasok naman ang mga bumbero na may gamit na breathing apparatus sa naturang gusaling nababalot ng makapal na usok.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nakataas pa rin ang alarma ng sunog sa naturang gusali. Wala pang ulat kung magkano ang halaga ng natupok habang patuloy pa ang pag-apula ng mga bumbero sa bawat palapag ng gusali.
Aniya, mistulang hudyat ito ng unang araw ng fire prevention month sa pagpasok ng Marso kaya’t nakakasa na ang mga programa ng BFP sa QC partikular ang awareness program.
- Latest