MANILA, Philippines - Patay na nang matagpuan ang isang 36-anyos na doktor na hinihinalang nagbaril sa sarili sa loob ng comfort room ng kanilang bahay sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Raymond Pamintuan, doctor of medicine (general practice), na may clinic umano sa Greenhills, San Juan, Metro Manila at residente ng Sisa St., Sampaloc.
Sa ulat ni SPO1 Charles John Duran ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:00 ng gabi nang madiskubreng patay ang biktima sa comfort room sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Sampaloc.
Sa imbestigasyon, dakong alas-9:00 ng gabi nang sapilitang buksan ng kasambahay na si Maricar Andaya, 19, ang comfort room kung saan bumungad ang nakahandusay na katawan ng biktima na naliligo sa sariling dugo at may tama ng bala ng baril sa kanyang puso na tumagos sa likod.
Una rito, ang biktima umano ay umuwi ng bahay alas-2:00 ng hapon at dumiretso sa kanyang silid at hindi na nakita pang lumabas, batay sa salaysay ng isa pang kasambahay na si Lorraine Laderas, 20.
Kinagabihan ay tumatawag umano ang kapatid ng biktima na si Gigi, 42, subalit ayaw sagutin ng nasawi ang kanyang cellphone kaya naisipan na lamang ng kapatid na tawagan ang kanilang ina upang i-tsek kung tulog na ito. Inutusan umano si Laderas na alamin kung tulog na ang biktima na wala naman umano sa kuwarto nito hanggang sa matagpuang patay sa loob ng comfort room.
Sa ulat, nabatid na ang biktima ay may problema hinggil sa inilabas na suspension order o pagpapasara ng kanyang klinika sa loob ng 90-araw na matatagpuan sa Greenhills, San Juan. Gayunman, hindi na naman ibinunyag ang dahilan kung bakit ipinasara ang klinika nito.