MANILA, Philippines - Makakatanggap na ng kaukulang benepisyo mula sa Social Security System (SSS) ang mga tricycle driver at operators sa Quezon City tulad ng health, loan at iba pang benepisyu mula sa naturang ahensiya.
Ito ay makaraang magkasundo ang SSS at si QC Vice Mayor Joy Belmonte para pagkalooban ng kaukulang ayuda ang mga TODA members at officers na sumailalim sa TODA summit kamakailan.
Kaakibat nito ang pagkakaloob sa mga nabanggit ng alkansiya para maturuan ang mga itong makapagtago ng anumang halaga mula sa arawang kita sa pamamagitan ng proyektong TODA na may malaking maitutulong sa kani kanilang pamilya.
Gagawin ang pagkakaloob ng Alkansiya sa March 10 ng taong ito.
Sa nasabi ring araw ay pangungunahan ni Belmonte ang paglulunsad ng demo farm sa Bistek Ville sa Brgy. Kaligayan at Amlac Subdivision sa Brgy. Payatas na dito nakapaloob ang Urban Farming project ng una.
Ang pataniman na kakikitaan ng mga halamang gulay tulad ng pechay, mustasa, repolyo at iba pa ay takdang e-turn over ni Belmonte sa naturang mga barangay upang sila ang magmantine at magpadami ng mga gulay na kanilang mapapagkunan para sa arawang pangangailangan sa mga lutuin.
Bukod dito, magkakaloob din dito si Belmonte ng mga buto ng mga pananim, materials, tools na kailangan sa pagpapasigla ng halamanan sa naturang mga barangay.