Ex-police, 1 pa arestado sa panggagantso
MANILA, Philippines – Binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ang kasabwat umano nito sa pang-eestafa ng halagang P300-libo sa isang prosecutor, habang nasa loob ng Phil. National Bank sa tapat ng MPD headquarters sa Ermita, Maynila.
Isinailalim na rin sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office sa kasong estafa (thru misrepresentation) ng MPD-General Assignment and Investigation Section ang mga suspek na sina Marlon Villanueva, 45, dating pulis, ng Old Balara, Diliman, Quezon City at Oliver Cañete, 36, negosyante, ng Davao City.
Nabatid na personal na humingi ng tulong sa MPD si Makati City Senior Asst. City Prosecutor Andres Marcos upang ipadakip ang mga suspek na nag-e-encash umano ng halagang P300-libo sa PNB, matapos umanong magoyo ang kaniyang misis na si Luz Marcos, prosecutor din ng Office of the Ombudsman, na nabentahan ng mga suspek ng pekeng gold bar.
Nang malaman ni Mr. Marcos ang pag-iisyu ng misis ng tseke ng PNB bilang kabayaran sa gold bar ay hinabol ito kaya naabutan pa ang pag-eencash ng tseke ng mga suspect.
Kaagad na humingi ng tulong kay PO3 Francisco Alba na noon ay nasa sentinel ng MPD ay tinungo nila ang dalawang suspek na noon ay nakaupo sa loob ng banko at naghihintay na tawagin para mai-encash na ang checks.
Agad dinala ang mga suspek sa MPD-GAIS.
- Latest