Nambu-bully todas kay lolo

MANILA, Philippines – Dahil na rin sa walang tigil na pambu-bully, isang sidecar boy ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang 66-anyos na lolo, kamakalawa ng hapon sa Port Area, Manila.

Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si  Toto Villamor, 29, ng Port Area habang agad namang nadakip ang suspek na si Vicente Amparado. Ang biktima at suspek ay kapwa sidecar boy sa Port Area, Manila.

Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Glenzor Vallejo, ng MPD-Homicide Section bandang alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang ma­ganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Roberto Oca St. sa Port Area.

Nabatid sa report ng pulisya, madalas umanong inaalipusta at binu-bully ng biktima ang suspek sa tuwing magkikita.

Hindi na umano natiis ng suspek sa gina­gawang pambu-bully ng biktima kaya’t pinagsasaksak na lamang niya ang huli nang magkrus ang kanilang landas.

Naaktuhan naman ni SPO1 Gener Reyes ang pananaksak ng suspek kaya’t agad niya itong dinakip.

Lumilitaw na sa pahayag ng ilang saksi na madalas umanong alaskahin ng biktima ang suspek dahil na rin sa katandaan nito sa pamamasada.

Show comments