MANILA, Philippines – Sinibak ang tatlo pang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), habang 23 pa ang pawang suspendido dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa iba’t ibang katiwalian.
Nabatid kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ito ay ginawa matapos na mapatunayang nasangkot ang mga ito sa kasong extortion o pangingikil, grave misconduct, at gross neglect of duty.
Hindi naman isinapubliko ang pangalan ng tatlong sinibak na mula sa Traffic Discipline Office (TDO) ng ahensiya.
Samantala, ang 23 pa ay suspendido naman mula 15 hanggang 90 araw dahil sa ilang katiwalian na kinasasangkutan nito tulad ng extortion activities, questionable issuance of traffic violation receipts, misconduct, grave abuse of authority, insubordination, violation of office rules, at bigong pagdalo sa buwanang formation.
Nabatid, na may 50 pa umanong inisyuhan ng warnings at reprimands dahil sa ilang palabag at may ilan ding sinampahan ng pormal na kaso. Paglilinaw ni Tolentino, ang mga nasangkot nilang tauhan sa mga katiwalian ay pawang dumaan sa due process at masusing imbestigasyon ng Administrative at Legal departments ng MMDA.