MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na maitaas ang cash incentives ng mga graduating students na may honor sa graduation sa darating na buwan ng Marso mula sa 142 public schools sa lungsod.
Sa utos ni Bautista, ang valedictorians ay pagkakalooban ng P10,000 cash reward; salutatorians ay tatanggap ng P6,000 reward at sa first honorable mention ay tatanggap ng P4,000.
Ang ipagkakaloob na cash rewards ngayong taon ay halos doble sa naibigay na insentibo noong nakaraang taon.
May P2,840,000 ang nailaang pondo ng QC government para sa pagkakaloob ng cash incentives.
Bukod sa insentibo, isa-subsidize naman ng QC government ang graduation expenses ng mga mag-aaral sa lungsod na magtatapos sa Marso.
Sinasabing may subsidy na P20,000 na laan sa paaralan na may pinakamaraming graduates; P15,000 sa paaralan na may medium number ng graduates at P10,000 ang ibibigay sa paaralan na may maliit na bilang ng graduates.
Ayon sa QC school board may 103,248 QC students ang ga-graduate ngayong Marso at sa kabuuang ito ay umaabot sa 39,661 ang nasa elementary level; 34,075 ang nasa secondary level at 29,512 graduates sa pre-school program ng lungsod.
Ang QC ay may 96 elementary at 46 secondary schools.