Mag-asawa huli sa P3-M shabu
MANILA, Philippines - Isang umano’y miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kanyang asawa ang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Manila, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspect na sina Aminodin Guinto, 21; at asawang si Marizen, 21, kapwa residente sa Brgy. 648 C. Palanca St., San Miguel, Manila.
Ayon kay Cacdac, si Aminodin ay nakuhanan ng isang identification card na nagsasaad na siya ay miyembro ng MILF.
Sa ulat, nadakip ang mag-asawa ng mga tropa mula sa PDEA Regional Office 3 (PDEA RO3), PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) at PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES) sa may Arlegui St., San Miguel.
Bago ito, nakipagtransaksyon ang tropa sa mag-asawa para bumili ng shabu at nagkasundo na magpalitan ng items sa lugar.
Nang iabot ng mag-asawa ang isang plastic bag na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng tatlong milyon sa isang poseur-buyer ng PDEA ay saka ito inaresto.
Kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang inihahanda laban sa dalawa.
- Latest