MANILA, Philippines – May 50 bahay ang naabo makaraang atakehin ng sunog ang isang barangay sa lungsod Quezon, sanhi umano ng napabayaang kalan ng isang residente sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang sunog ay naganap sa may Abbey Road, Brgy. Bagbag, Quezon City.
Nagsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay ng isang Ignacio Babaylon, partikular sa kusina nito matapos na iwan ang ginagamit nitong kalang panggatong.
Dahil gawa lamang sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy, hanggang sa tuluyang madamay ang kalapit bahay nito.
Umabot sa ika-apat na alarma, bago tuluyang ideklarang fire out ang sunog, habang tinatayang nasa halagang P750,000 ang pinsalang idinulot nito.
May 75 pamilya naman ang naapektuhan ng nasabing sunog.
Paalala ni Fernandez sa publiko, maging responsable sa kanilang mga tahanan, at ugaliing tignan ang mga kagamitan na maaring pagmulan ng sunog, lalo ngayong malapit na ang buwan ng Marso na magsisimula nang maging mainit ang panahon.