Pagdaan ng provincial buses sa mga underpass sa Edsa, pinalawig pa
MANILA, Philippines – Nagpalabas ng kautusan ang Metro Manila Council para sa pagpapalawig sa pagpapadaan nito sa mga provincial buses sa pangunahing tunnel o underpass sa kahabaan ng Edsa na dapat nagtapos na noong unang linggo ng Enero.
Base sa ipinalabas na Memorandum Circular No.1 series of 2015, muli pang pinalawig ng ahensiya hanggang sa Hunyo 16, 2015 ang pagpapahintulot sa mga provincial buses na dumaan sa tatlong pangunahing tunnel kabilang ang Edsa-Aurora Boulevard tunnel sa Cubao; EDSA P. Tuazon sa Cubao pa rin at Edsa Shaw Boulevard tunnel sa Mandaluyong.
Nabatid kay MMDA Chairman Francis Tolentino na layunin pa rin nito na maibsan ang trapik at mabigyan ng kaluwagan ang city buses na magamit ang mga city bus stops.
Sa nabanggit pa ring memorandum, nakapaloob na kailangan pa ring sundin ng mga provincial buses sa kanilang biyahe ang odd-even scheme. Hindi naman kasama ang Edsa Ayala tunnel at ang lalabag dito ay pagmumultahin umano ng limang daang piso.
Matatandaan, na noong nakaraang taon bago ang mag-Undas at Kapaskuhan ay naglabas ng memoradum circular ang MMDA na kung saan ay pinapayagan ang mga provincial buses na dumaan sa nabanggit na mga tunnel. Ito’y upang matulungan at napagaan ang biyahe ng mga uuwi sa probinsiya sa paggunita ng Undas gayundin ng holiday season.
- Latest