Condo gumuho: 2 patay, 11 sugatan

Pinagtutulungan ng rescue team na marekober ang mga katawan ng dalawang biktima na natabunan ng sementong gumuho sa ginagawang condominium sa Bonifacio Global City, Taguig City kahapon. Joven Cagande

MANILA, Philippines – Dalawang construction workers ang namatay habang labing-isa naman ang nasugatan matapos gumuho ang pinatutuyong mezzanine ng condo­minium sa Bonifacio Global City, Taguig City kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Renan Dela Cruz at Ruben Racraquean na na­daganan ng tone-toneladang sementong pinatutuyo sa ginawang The Suit Condominium sa panulukan ng 5th at 28th Avenues sa nasabing lungsod.

Naisugod naman sa Saint Luke’s Medical Center ang 11-construction workers na nabagsakan din ng mga scaffolding na kanilang tinutuntungan.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig City PNP, naganap ang insidente bandang alas-8:10 ng umaga sa upper ground floor ng nasabing condominium na nasa pitong palapag pa lamang ang konstruksiyon.

Ayon kay Asis, bumigay ang pinatutuyong semento sa mezzanine kung saan ang scaffolding na pinagtutungtungan ng mga biktima ay nadamay habang ang mga ito ay gumagawa.

Nagpatupad naman ng mahigpit na seguridad ang pulisya dahil nagkakagulo ang mga tao nang maganap ang insidente.

Kaagad namang isinugod ng rescue team ang mga sugatang biktima sa nasabing ospital.

Pinaniniwalaang may kapabayaan ang contractor ng condominium na kasalukuyang sinisiyasat na ng mga awtoridad.

Show comments