MANILA, Philippines - Isang mister ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan, makaraang pagbabarilin ang mga ito ng isang armadong lalaking nakatakip ang mukha habang ang mga una ay nag-iinuman sa isang lugar sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, kinilala ang nasawi na si Roberto Declines, 31, ng Moral St., Brgy. Bagong Pagasa sa lungsod.
Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang sugatang si McJebyver Potestades, 27, binata, merchandizer ng nasabi ring barangay.
Ayon kay PO1 Anthony Magallon, ang suspect sa pamamaril ay inilarawan sa taas na 5’10’’, walang damit pang-itaas, nakasuot ng short pants at natatakpan ng towel ang kalahati ng kanyang mukha.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may compound na tinutuluyang ng mga biktima ganap na alas-8:10 ng gabi.
Bago ang insidente, nag-iinuman umano ang mga biktima sa harap ng kanilang bahay sa loob ng compound nang pagbabarilin ang mga ito.
Matapos ito, kapwa isinugod ang mga biktima sa East Avenue Medical Center, pero idineklarang dead on arrival si Declines, habang nilalapatan naman ng lunas si Potestades dahil sa isang tama ng bala sa kaliwang puwit.
Lumabas naman sa cursory examination na si Declines ay nagtamo ng tatlong tama ng bala, isa sa kanang braso, isa sa sikmura at isa sa kanang balikat.
Nakarekober din ng awtoridad sa lugar ang limang basyo ng kalibre 9mm na baril na ginamit ng suspect sa krimen.
Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing insidente.