MANILA, Philippines – Posibleng matukoy na ang pagkakakilanlan sa suspek na nangholdap at bumaril sa isang Briton dahil hawak na ng pulisya ang CCTV camera footage at cartographic sketch nito sa Makati City.
Nabatid kay SP03 Noel Pardinas ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), patuloy na isinailalim sa pagsisiyasat ang nakuhang CCTV footage na malaking tulong para matukoy ang suspek.
Base sa record ng pulisya, ang biktimang si Sarah Crees, 51, dalaga, ng Pink Manila Building sa Malate, Manila ay hinoldap at binaril sa mukha at leeg ng hindi pa kilalang driver habang ito ay sakay sa taxi noong madaling-araw ng Enero 17 sa panulukan ng Hepodromo at Economia Street sa Barangay Olympia, Makati City.
Napag-alamang pumalag ang bikima kaya binaril ng suspek hanggang sa tinangay ang kanyang cellphone, mga credit card at P10,000 cash kung saan pinababa pa ang biktima.
Nakahingi naman ng tulong ang biktima sa ilang dumadaang tao kaya naisugod ito sa Ospital ng Makati bago inilipat sa Makati Medical Center (MMC).
Sa kasalukuyan ay bumalik na sa bansang Ireland ang biktima at naglabas ng advisory ang British Embassy kung saan pinag-iingat ang kanilang mga mamamayan na huwag basta-basta sasakay sa mga taxi at maging alerto ang mga ito.
Sa ngayon ay hawak na ng Makati City PNP ang CCTV camera footage at cartographic sketch ng suspek.