MANILA, Philippines – Pinagbibitiw na lamang ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga empleyado ng city hall na patuloy na hindi siya kinikilala bilang alkalde ng lungsod at hindi pabor sa kanyang mga programa.
Sinabi ni Estrada ang pahayag pagkatapos ng flag raising kahapon ng umaga na dinaluhan ng mga ity hall officials at empleyado.
Ani Estrada, handa na niyang tanggapin ang resignation ng sinumang tutol sa kanyang mga programa sa lungsod at hindi nirerespeto ang kanyang pagiging alkalde.
Idinagdag pa nito na ngayong nagdesisyon na ang Korte Suprema, mawawala na ang agam-agam ng mga empleyado at umaasa siyang mapapabilis ang hangad na pagbabago sa Maynila hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa pamumuhay ng bawat Manilenyo.
Paliwanag pa ng alkalde, wala siyang tinanggal o inalis na empleyado nang siya ay manungkulan dahil naniniwala siyang hindi dapat na masangkot sa anumang usaping pulitika ang sinuman sa mga ito.
“Hangad ko na magkaisa tayo para sa Maynila at iwan natin ang pulitika dahil hindi kayo dapat kasali sa pulitika, lalo na sa maruming pulitika,” ani Estrada.