Lolo utas sa bugbog sa loob ng barangay hall

MANILA, Philippines – Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya sa pagkamatay ng isang lolo sa loob mismo ng isang barangay hall sa Caloocan City makaraang pagtulungang gulpihin ng tatlo katao, kamakalawa ng umaga.

Hindi na umabot pang buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Nestor Vargas, 61, ng Brgy. North Bay Boulevard South,  Navotas City.

Nahaharap naman ngayon sa kasong murder ang mga suspek na sina Braulio Pido Abejero Jr.; Jasmin Pido at si Diana Katolico.

Sa inisyal na ulat, nakikipag-inuman ang dayong biktima sa may Doña Consuelo St., nang dumating ang tatlong suspek at nagkaroon ng pagtatalo sa hindi pa mabatid na dahilan.  Nagresulta ito sa suntukan hanggang sa maawat ng mga barangay tanod at dalhin sila sa barangay hall.

Sa loob ng barangay hall, hindi na umano naawat ng mga tanod nang muling paggugulpihin si Vargas hanggang sa mawalan ito ng malay.  Dinala naman ng mga tanod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara nang walang buhay.

Tanging sina Jasmin Pido at Katolico lamang ang na­dakip ng mga tanod habang nagawa umanong makatakas ni Braulio Pido.

Show comments