2 fixer sa city hall arestado

MANILA, Philippines – Dinakip ng mga tauhan ng Manila City Hall-Manila Action and Special Assignment (MASA) ang dalawang fixer matapos na ireklamo ng kanilang nabiktima sa loob mismo ng city hall.

Ayon kay   Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr., hepe ng MASA, ang pag-aresto kina Shirley Macaraig, 52, ng Bldg. 04-319 Rodriguez St. Balut, Tondo at  Marites Husayan, 35, ng #035 Quezon St. Tondo, Maynila ay bunsod na rin ng reklamo ng isang  Analiza Pastor, 43, ng  Blk. 3 Lot 9 Bagong Purok, Brgy. San Jose, Antipolo City.

Nabatid na hiningan umano ng dalawang suspek ng  P2,000 si Pastor para sa annotation ng birth certificate nito  na lumitaw umanong peke.

Agad na inatasan ni Irinco sina Capt. Jaime de Pedro at Manuel Albano ng  City Security Force upang dakpin ang dalawa.

Sasampahan naman ng kasong Falsification of Public Documents at paglabag sa Anti-Red Tape Act of 2007 sina  Macaraig at Husayan sa Manila Prosecutors Office.

 

Show comments