2 fixer sa city hall arestado
MANILA, Philippines – Dinakip ng mga tauhan ng Manila City Hall-Manila Action and Special Assignment (MASA) ang dalawang fixer matapos na ireklamo ng kanilang nabiktima sa loob mismo ng city hall.
Ayon kay Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr., hepe ng MASA, ang pag-aresto kina Shirley Macaraig, 52, ng Bldg. 04-319 Rodriguez St. Balut, Tondo at Marites Husayan, 35, ng #035 Quezon St. Tondo, Maynila ay bunsod na rin ng reklamo ng isang Analiza Pastor, 43, ng Blk. 3 Lot 9 Bagong Purok, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Nabatid na hiningan umano ng dalawang suspek ng P2,000 si Pastor para sa annotation ng birth certificate nito na lumitaw umanong peke.
Agad na inatasan ni Irinco sina Capt. Jaime de Pedro at Manuel Albano ng City Security Force upang dakpin ang dalawa.
Sasampahan naman ng kasong Falsification of Public Documents at paglabag sa Anti-Red Tape Act of 2007 sina Macaraig at Husayan sa Manila Prosecutors Office.
- Latest