60-anyos na lola, timbog sa droga
MANILA, Philippines - Arestado ang isang 60-anyos na lola makaraang makuhanan ng 500 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod Quezon, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang suspect na si Cresencia Garcia , na gumagamit ng mga alyases na Cresencia DC Sibug o alyas Ateng, dalaga ng Brgy. Bahay Toro, Project 8, Quezon City.
Ayon kay Cacdac, ang nakumpiskang iligal na droga sa suspect ay may street value na P600,000.00. Bukod pa dito ang isang piraso ng kulay dark grey pouch na naglalaman ng isang Nokia cellular phone na ginagamit nito sa kanyang iligal na transaksyon, isang Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) identification card, isang Honda CRV (XFY-122), at P1000 cash na ginamit na buy-bust money.
Nadakip ang suspect ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pamumuno ni Atty. Jacquelyn L. De Guzman sa kahabaan ng Pluto Street , partikular sa likuran ng Cherry Fooderama, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, ganap na alas 3:45 ng hapon.
Bago ito, nakipagtransaksyon ang mga operatiba sa suspect para bumili ng halagang P1,000 shabu at sa nasabing lugar nagpasyang magpalitan ng items sa pamamagitan ng isang PDEA agent na nagkunwaring buyer.
Si Garcia ay nakapiit ngayon sa PDEA RO-NCR detention cell sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest