MANILA, Philippines - Nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang walong menor-de- edad mula sa isang prostitution den habang dinakip naman ang dalawang bugaw sa isinagawang operasyon sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Pinangunahan ng NBI Anti-Human Trafficking Division ang nasabing entrapment operation na inilunsad sa may bahagi ng Sct. Reyes at Gandia Sts.
Nagpanggap na mga kostumer ang apat na agents at nakipagtransaksyon sa dalawang hinihinalang bugaw na sina Evelyn Tañega at James Mercado. Matapos magkabayaran sa isang kainan agad na inaresto ang dalawang suspek. Itinanggi naman nina Tañega at Mercado ang akusasyon subalit lumilitaw sa paunang imbestigasyon na kapatid ni Mercado ang isa sa mga na-rescue.
Napag-alaman na ibinibenta ng dalawang bugaw ang mga menor-de-edad sa kanilang makukuhang kostumer sa halagang P1,500.