Boarder kinatay ng landlord

Nakahan­dusay ang biktimang si Vicente Almaceda makaraang pagtatagain ng kanyang landlord na nakilalang si Albert John Vista na nagtangka ring magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon buhat sa rooftop ng bahay na naagapan lamang. (Kuha ni Bening Batuigas)

MANILA, Philippines -Kinatay ang isang tricycle driver ng kanyang landlord na sinasabing dumadanas ng depression, saka nagtangkang mag-suicide sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktima na si Vicente Almaceda, 40, nangungupahan sa pamilya ng suspect na nakilala namang si Albert John Vista, 26, sa Pinalad Road, Centennial II, Brgy. Pinalad, Pinagbuhatan sa lungsod.

Ang suspek ay agad namang naaresto ng mga awtoridad matapos ang krimen sa tulong ni Barangay Chairman Rodrigo Asilo.

Sa imbestigasyon ni PO2 Gigino Dancel, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB), nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-10:30 ng gabi sa loob ng kuwarto ng biktima.

Sinasabing bago ma­ganap ang krimen ay pinasok ng suspek ang biktima sa loob ng kanyang kuwarto at basta na lamang pinagsi­sigawan.

Ayon sa iba pang te­nant, nakarinig sila ng ka­labugan sa loob ng kuwarto ng biktima hanggang sa manahimik at nakita nilang lumabas ang suspek bitbit ang bolo.

Tiningnan naman nila kung ano ang nangyari sa loob ng kuwarto at doon nila nakita na nakahandusay at wala nang buhay ang biktima dahil sa tinamong mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tinangka pang magpakamatay ng suspek sa pamamagitan nang pagtalon sa rooftop ng bahay ngunit naagapan din.

Hinihinala ng mga awtoridad na posibleng sinumpong ng diperensiya sa pag-iisip ang suspek kaya nagawang katayin ang biktima.

Sinasabing nagkaroon ng diperensya sa pag-iisip ang suspek nang una umano itong mabugbog at magka-trauma noong Nobyembre.

 

Show comments