4 na ‘tulak’, tiklo

MANILA, Philippines – Apat na kilabot na tulak ang nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD ) Anti-Illegal Drug- Special Operations Task Group sa magkahiwalay na ope­rasyon sa Caloocan City at Maynila.

Sa ulat ng DAID-SOTG, kinilala ang mga nadakip na sina Jalani Macaorao, 22,  at Saripoden Dipatuan, 31, kapwa residente ng Brgy.  648 C. Palanca Street, San Miguel, Quiapo, Maynila, habang nakatakas naman ang ikatlong target na si alyas “Buchoy”.

Nabatid na unang naki­pagtransaksyon sa mga suspek ang mga pulis na nagpanggap na buyer ng droga.  Sa halip na sa lugar ng CAMANAVA ang tran­saksyon, nakipagkasundo ang mga suspek na isagawa ito sa Maynila.

Natuloy ang buy-bust ope­ration dakong alas-5:45 kamakalawa ng hapon sa may G. Tolentino St., Legarda, Maynila kung saan nasakote sina Macaorao at Dipatuan habang nakapulas ang ikatlo nilang kasama. Nakuha sa posesyon ng mga suspek ang 10 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may halagang P50, 000.

Dakong alas-6 kama­kalawa ng gabi nang madakip naman ng mga tauhan ng Caloocan Police Station Anti Illegal Drugs unit ang mga hinihinalang tulak na sina Jaime De Ocampo, 43, at Allan­ Trinidad, kapwa ng Phase 7 Block 22 Bagong Silang, Caloocan.

Nakuha sa posesyon ng mga suspek ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, at mga drug para­phernalia.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong pag­labag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments