MANILA, Philippines – Dahil sa walang suot na helmet, kalaboso ang isang 18-anyos na technician matapos mahulihan ng baril ng mga pulis habang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City Police Senior Supt. Bartolome Bustamante ang suspek na si Laurence Nabong, residente ng Milagrosa Extension, Brgy. 154 Bagong Barrio ng nasabing lungsod.
Base sa report ng pulisya, kasalukuyang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 sa pamumuno ni Chief Inspector Alfredo Dulay, alas-11:45 ng gabi sa panulukan ng Tirad Pass at Don Vicente Ang Sts., Brgy.140, Bagong Barrio ng nasabing lungsod nang mamataan ang suspek na walang suot na helmet habang sakay ng motorsiklo.
Pinara ang suspek bago hinanapan ng lisensya ng mga pulis subalit, nang buksan ni Nabong ang dalang body bag ay napansin sa loob ang isang baril na naging dahilan upang arestuhin ito.
Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya at sinampahan ng kasong paglabag sa R.A 10591 (Illegal Possession of Firearm) at R.A 10054 (Motorcycle Helmet Act).