MANILA, Philippines - Dalawang ‘tulak’ ng iligal na droga ang bumagsak sa kamay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Makati City, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspects na sina Bernard Quilatis, alyas Putol, 37, ng Building 3 Phase 4, Guadalupe BLISS, Brgy. Cembo, Makati City; at Jorge Fernando, alyas Bulag, 40, ng #444A Banaba, Brgy. Cembo, Makati City.
Ayon kay Cacdac, ang mga suspect ay naaresto ng mga elemento ng PDEA Regional Office 4A (PDEA RO4A) sa pamumuno ni Director Adzhar Albani sa may bisinidad ng Guadalupe BLISS, matapos ang buy-bust operation.
Isang poseur-buyer ang pinagbentahan ng mga suspect ng dalawang pirasong plastic sachet ng shabu na siyang ugat ng kanilang pagkakadakip, dagdag ng opisyal.
Sabi pa ni Cacdac, base sa kanilang pagsisiyasat sina Quilatis at Fernando ay mga drug runners ng shabu kung kaya nagsasagawa na sila ng follow-up operations upang matukoy kung sino ang nasa likod ng kanilang iligal na operasyon.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa PDEA RO4A sa mga kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.