MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng seguridad at paghahanda sa pagdating ng Santo Papa sa Huwebes, sinimulan na rin ng lungsod ng Maynila ang pagpapaalis sa mga sasakyang naka-park sa harap ng mga business establishment at hotels na malapit sa Luneta Grandstand.
Kahapon ay personal na nag-ikot si Manila Vice Mayor Isko Moreno sa kahabaan ng Roxas Blvd., Kalaw at Taft Ave. at inisa-isa ang mga business establishment base sa memorandum at advisory na kanilang ipinadala kung saan nakasaad na kailangang alisin ang mga sasakyan at ipinagbabawal ito mula kahapon hanggang sa Enero 19 kung saan nakatakda ang pagbisita at pananatili ni Pope Francis.
Ayon kay Moreno, kailangan lamang ng kooperasyon ng mga negosyante upang matiyak ang seguridad at kaayusan ng mga kalsada malapit sa Luneta kung saan magmimisa ang Santo Papa sa Enero 18.
Nagkabit din ng mga tarpaulin sa mga nabanggit na lugar upang mas maging malinaw sa ibang motorista.
Alas-12 ng tanghali nang magsimula ang pagpapa-alis sa mga sasakyan. Imo-monitor naman ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga ito kung saan nakaantabay ang mga towing sakaling magmatigas ang mga ito at balewalain ang memorandum.
Pinapayuhan naman ng Bise Alkalde ang mga nagpa-park sa nasabing lugar na maghanap ng parking upang makaiwas sa abala. Hindi aniya mag-aatubili ang mga towing na hilahin ang mga sasakyan sa mga ipinagbabawal na lugar.