MANILA, Philippines – Isang Chinese national ang hinoldap ng isang tourist guide at kasabwat nitong barker, kamakalawa sa Pasay City.
Halos manlumo nang magtungo sa himpilan ng Pasay City Police ang biktimang si Yeung Kwok Wai, 29, binata, isang system analyst, pansamantalang nanunuluyan sa Tune Hotel sa Makati City.
Samantala, isa sa dalawang suspek ang nakilalang si Roberto Santos, 46, barker at miyembro ng Batang City Jail (BCJ), taga-Layug St., Brgy. 3 ng naturang lungsod ay nakakulong ngayon sa Pasay City Police habang inaalam pa ang pangalan ng kasabwat nitong tourist guide na siyang target ng operasyon ngayon ng pulisya.
Sa pahayag ng biktima sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police, mula Maynila ay kasama niya ang suspek para maging tourist guide at habang nakasakay sila ng taxi sinabi ng suspek na idaan na lang siya sa Pasay City at pumayag naman ang dayuhan at ibinigay pa nito ang halagang P2,000 sa una.
Alas-4:00 ng hapon, pagsapit sa harapan ng Tramway Restaurant sa panulukan ng Layug St. at Service Road ng Roxas Boulevard, Pasay City, pumara ang naturang tourist guide at sinabi nito na bababa na siya.
Dahilan upang itigil ng driver ng taxi na rito naman sumakay sa harapan ng upuan ng taxi si Santos.
Dito na naglabas ng patalim ang tourist guide at tinutukan na nito ang biktima at saka nagdeklara ng holdap ang mga suspek at pagkatapos ay tinangay ang perang dala ng biktima.
Ang insidente ay nasaksihan ng taxi driver na nagsama sa pulisya para magharap ng reklamo. Sa isinagawang follow-up operation ay nadakip si Santos.